May panibagong record-high ang daily new COVID-19 cases sa Pilipinas na umabot sa 18,332, batay sa datos ng Department of Health nitong Lunes.
Nalampasan nito ang dating record high na 17,231 new cases na naitala noong August 20, 2021.
Ngayon, umaabot na ang active cases, o mga pasyenteng patuloy na ginagamot at nagpapagaling sa 130,350.
Noong nakaraang Abril 1, 2021, naitala ang pinakamataas na active cases na 138,948.
Sa mga bilang ng mga active cases nitong Lunes, 94.8% ang mild cases, 2.5% ang asymptomatic, 1.2% ang severe, at 0.6% ang kritikal ang kalagayan.
Samantala, 151 pa na pasyente ang nasawi dahil sa komplikasyon sa virus. Sa kabuuan, 31,961 na ang nasasawi.
Nadagdagan naman ng 13,794 ang mga bagong gumaling na mga pasyente.—FRJ, GMA News
0 Comments