
Sinibak sa puwesto ang isang pulis sa Pasay City matapos maniket ng ilang motorista kahit wala umanong nilabag na violation.
Ayon sa isang ulat sa “24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinibak ng hepe ng Pasay Police si Police Lieutenant Ashley Magboo, hepe ng Villamor Police Substation, matapos may nagreklamong mga motorista na bastos daw si Magboo at hinuli raw sila nang basta-basta kahit na walang nilabag na violation.
“Dapat daw po kasi nasa motorcycle lane daw po kami, eh kaya lang paano kami mapunta sa motorcycle lane eh malayo pa lang kami kinakawayan na kami noong pulis na tinuturo doon sa checkpoint,” ani nagrereklamo.
Pinaiimbestigahan ni Philippine National Police chief Police General Guillermo Eleazar ang insidente.
Bukod sa mga natiketang motorista, nagrereklamo rin ang ilang taga-roon na nakaalitan na dati ng pulis.
Nilipat muna si Magboo sa admin section habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso laban sa kaniya.
Kamakailan, pinag-utos rin ni Eleazar na imbestigahan ang umanong extortion activities at misbehavior ng mga pulis sa isang checkpoint sa Andrews Avenue sa Pasay. — Ma. Angelica Garcia/BM, GMA News
0 Comments