
Anim na asong balak ibenta at katayin ng isa umanong illegal meat trader ang nasagip sa San Ildefonso, Bulacan, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Biyernes.
Inabutan ng mga pulis at mga tauhan ng Animal Kingdom Foundation ang mga aso na nagsisiksikan sa isang maliit na kulungan. Ibebenta raw sana ang mga ito at kakatayin ng 62-anyos na si Antonio Celestino.
Ayon sa Animal Kingdom Foundation, isang sumbong ang natanggap nila sa kalakarang ginagawa ni Celestino na paglabag sa Animal Welfare Act.
“‘Yung aming information galing sa tipster. Siya ‘yung kumausap diyan at siya ‘yung nagsabi na itong tao na ‘to mayroon siyang ikakalakal,” ani Atty. Heidi Caguioa, program director ng Animal Kingdom Foundation.
Malulusog daw ang mga asong kakatayin ni Celestino. Ayon kay Caguiao, mukang hind galing sa “dognap” ang mga ito.
“Mukhang owned ito na maybe binili niya,” ani Caguioa. “So true enough nung amin siyang ini-interview, sinabi niya na oo meron mga may-ari.”
Binibili raw ni Celestino ang mga aso sa may-ari sa halagang P600 bawat isa.
Hindi na pumalag si Celestino nang arestuhin pero sabi niya, nangungumisyon lang siya at ngayon pa lang siya magbebenta at magkakatay ng aso.
Lahat ng nasagip na aso ay dinala sa Rescue and Rehabilitation Center ng Animal Kingdom Foundation sa Capas, Tarlac, habang hawak naman ng mga pulis si Celestino.
Nanawagan naman si Caguioa na itigil na ang pangangalakal ng aso o illegal dog meat trade. —KBK, GMA News
0 Comments