
Isang aso ang nasagip sa Davao City matapos makunan ng video na hinahampas sa mukha, ayon sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV Cagayan de Oro sa Unang Balita nitong Biyernes.
Agad namang na-rescue at nadala sa veterinary clinic ang aso na ngayon ay nagpapagaling na.
Sa video na kuha ng isang concerned citizen, makikita ang aso na duguan ang paa at nakahiga sa dalampasigan ng isang beach resort sa Davao City.
Maya-maya, isang kamay ang makikitang humampas sa mukha ng aso, dahilan para maiyak ito. Dito na iniligtas ang aso.
Napag-alamang may sugat ang aso dahil hinampas ito ng bote at bato matapos makakagat ng isang lalaki.
Ayon sa isang non-government organization, mahigit 100 aso ang naging biktima ng animal cruelty sa Davao City ngayong taon.
“Wala kasi tayong pet registration kaya ang mga nagmamay-air ng aso, kung mayroong problema, hindi nila inaangkit ang kanilang aso,” ani Rovie Bullina, presidente ng Bantay-Hayop Davao.
Sa ilalim ng Republic Act 8485 at 10631, ang animal negligence o pagpapabaya sa alagang aso ay isang uri pa rin ng animal cruelty na may multang aabot sa P250,000 at pagkakakulong mula anim na buwan hanggang tatlong taon.
“Ang pakiusap sana namin sa publiko na kung may makikita kayong magmamalupit at pagpapabaya sa mga hayop, i-report kaagad sa barangay,” panawagan ni Bullina. —KBK, GMA News
0 Comments