Ad Code

Lalaki, arestado sa QC dahil sa pambubugaw umano online; 2 biktima, nasagip

Arestado ang isang lalaking suspek sa pambubugaw umano ng mga babae online, sa isang operasyon na ikinasa ng pulisya sa Quezon City.

Nahuli ang suspek sa isang entrapment operation sa Kalayaan Avenue na isinagawa ng Quezon City Police District (QCPD) matapos makatanggap ng tip, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Ayon kay QCPD District Special Operations Unit (DSOU) chief Police Lieutenant Colonel Rolando Lorenzo Jr., ibinubugaw umano ng suspek ang mga babae ng tig-P6,500. 

Nasagip naman ng mga awtoridad ang dalawang babaeng biktima, at isa sa kanila ay nobya pa ng suspek.

Ayon kay Lorenzo, base sa kanilang panayam sa mga biktima, sa P6,500 na umano’y fee, P3,500 lamang ang napupunta sa biktima at P3,000 naman sa suspek.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, Cybercrime Prevention Act, at Anti-Violence Against Women and Their Children Act.

Sabi naman ng suspek, ang kanyang abogado na lamang ang magbibigay ng pahayag. 

Samantala, sa isa pang operasyon ng pulisya, naaresto sa Quezon Avenue ang dalawang babae na nambubugaw umano.

Nasagip ng mga awtoridad ang tatlong biktima.

Nambubugaw daw ang mga suspek sa halagang P1,000 kada babae.

Giit naman ng mga suspek, hindi totoo ang alegasyon. Naniningil lamang daw sila ng bayad sa utang.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act ang mga suspek.

Noong nakaraang linggo naman ay may nasagip na limang babae, kabilang ang isang 16-anyos.

Ayon kay QCPD District Director Police Brigadier General Nicolas Torre III, paiigtingin pa nila ang mga operasyon laban sa human trafficking at sexual exploitation.

“Nakita natin na bumalik na naman ang mga kaso ng exploitation and trafficking. Hindi natin ‘yan tino-tolerate especially kung may naaapi na mga kabataan at kapamilya,” aniya. —KG, GMA News



Lalaki, arestado sa QC dahil sa pambubugaw umano online; 2 biktima, nasagip
Source: Filipino Viral News PH

Post a Comment

0 Comments

Close Menu