
Ilang sasakyang ilegal na napakarada ang hinatak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang isinasagawang clearing operations.
Mahigit 36 na sasakyan ang binigyan ng ticket ng mga tauhan ng MMDA Task Force Special Operations Anti-Colorum Unit sa 7th Avenue, Caloocan, ayon sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo dzBB sa “Balitanghali” nitong Miyerkules.
Walo sa mga nabanggit na mga sasakyan ay hinatak ng MMDA matapos hindi magpakita ang mga may-ari ng sasakyan.
Ayon kay MMDA Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit chief Bong Nebrija, nakatanggap sila ng reklamo mula sa Hotline 888.
Kabilang sa mga nabigyan ng ticket ang mga sasakyan na mula sa Philippine Red Cross Caloocan City Chapter at tatlong volunteer firetrucks.
Paliwanag ni Nebrija, kung nagpakita lang kaagad ang mga driver ay baka hindi nila binigyan ng ticket ang mga sasakyan ng Red Cross at fire volunteer, lalo na itinuturing na emergency vehicle ang mga ito.
Ang ilang residenteng dumadaan sa lugar, ikinatuwa ang clearing operations ng MMDA dahil lumuwag na ang kalsada at nawala na ang mga nakabalagbag na sasakyan.
Ang nasabing clearing operations ay aaraw-arawin ng MMDA dahil inaasahang sisikip ang mga kalsada ngayong papalapit ang holiday season.
Kabilang dito ang Mabuhay Lanes at ilang mga kalsadang ginagamit na alternatibong ruta ng ilang mga motorista para makaiwas sa traffic sa EDSA. — Richa Noriega/VBL, GMA Integrated News
0 Comments