
Dahil sa pagmamahal niya sa asawa, pumayag ang isang mister na makipagrelasyon ang kaniyang misis sa isang pulis. Pero dumating ang yugto na nasagad na si mister at hinuli niya sa akto ang kaniyang kabiyak na kasama ang kaulayaw sa loob ng isang motel.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo Jessica Soho,” sinabing nangyari ang paghuli sa aktor ni mister sa kaniyang misis at sa karelasyon nitong pulis sa loon ng isang kuwarto ng lodging house sa Digos City, Davao del Sur.
May kasama ring mga awtoridad ang 38-anyos na mister na itinago sa pangalang “Bryan,” at siya rin mismo ang kumuha ng video.
Ayon kay Bryan, ideal wife noon para sa kaniya ang kaniyang kabiyak na itinago sa pangalang “Georgia.”
“Maayos naman ang pagsasama namin within 20 years. Malambing, mapagmahal, matulungin. Mas inuuna pa ‘yung sa akin kaysa sa sarili niya. Hindi naman siya nagkulang sa [aming] mga anak, loyal siya sa akin,” saad ni mister.
Pero nagulo raw ang kanilang pagsasama nang minsan mahuli sila sa traffic violation ng pulis na itinago sa pangalang “Jerome,” na nangyari noong nakaraang Hulyo 2022.
“Pinara kami sa tapat ng simbahan sa Bansalan… binigay ni misis ‘yung business number namin,” aniya. “Ayun doon nagsimula, nag-text sila.”
Hanggang ang pulis, nag-aya raw na makipagkita sa misis ni Bryan.
“Nag-inuman sila. Wala naman ako nang time na ‘yun kasi nandoon ako sa kilometer 71 nag-harvest ng hito. Nagpunta si misis sa CR… tapos hinalikan [siya] sa noo… tapos nakita ng biyenan ko,” pagbabahagi pa ni Bryan.
Ayon kay Bryan, inamin raw ni Georgia na nagkasala siya ito sa kaniya. Sinabi rin daw ng asawa na wala siyang problema.
“‘Yung sinasabi niya sa akin wala daw akong problema, siya raw ang problema,” ani Bryan.
Pero sa halip na hiwalayan ang kaniyang misis, nakipagkasundo raw si Bryan sa kaluguyo ni Georgia na si Jerome.
“Mayroon naman kaming agreement [na] hangga’t hindi pa namimili si misis sa ating dalawa siyempre kami naman ang kasal, dito lang siya sa akin. Pero kung ikaw ang pipiliin hindi na ako hahabol kasi happiness ‘yan ni misis eh,” paliwanag ni mister.
“Kapag ako naman ang pipiliin, ‘wag ka na ring humabol dumistansya ka naman. Usapang lalaki lang,” patuloy niya.
Pumayag daw si Bryan na maging open relationship ang pagsasama nila ni misis. Sa kaarawan ni Georgia nito lang Enero, inimbitahan pa raw ni Bryan si Jerome para sa selebrasyon.
“Biglang nagpaalam si misis. Sabi niya, kausapin ko for the last time [ang pulis] para formal naman ang break up namin. Unfair naman sa kaniya na hindi ko siya kinausap at bigla ko na lang siya iiwasan,” ani Bryan.
Umasa raw siya nang oras na iyon na siya na ang pipiliin ng kaniyang misis. Pero lumipas ang ilang oras, hindi pa rin bumabalik si Georgia.
“Nagpunta ako sa bahay kung saan sila nagsasama. Nagtanong ako sa katulong, sabi niya wala. Tinawagan ko si misis, parehas silang hindi sumasagot,” salaysay pa niya.
“Nag-motel ‘yung dalawa, sigurado talaga ako. Tama na ‘to, enough na ‘to. Hindi ko naman puwedeng magwala ako doon, hindi naman puwedeng ako ang magkatok para hingin ‘yung susi kasi hindi naman puwede may baril ‘yung isa eh,” ayon kay Brian.
Nang makita ang sasakyan ng pulis, humingi na siya ng tulong sa mga awtoridad para mahuli sa akto ang kaniyang misis at ang kaulayaw nitong pulis.
Ayon sa mga awtoridad na kasama ni Bryan, dinala nila sa police station ang dalawa para documentation kaugnay ng reklamong adultery laban sa babae at concubinage sa lalaki.
Paliwanag ni Atty. Karen Jimeno, mas madaling patunayan ang adultery at mas madaling makasuhan ang babae na mapapatunayang nakikipagtalik sa hindi niya asawa.
“Ngayon ang concubinage ay mas komplikado ito dahil hindi counted ‘yung pakikipagtalik sa iba. Kailangan nakipag-live-in siya doon sa kaniyang kabit, doon mismo sa bahay kung saan nandoon ‘yung asawa niya rin. Nakakaeskandalo talaga ang affair nila,” sambit niya.
Pansamantalang nakalaya si Georgia at si Jerome matapos makapagpiyansa.
Pero sabi ni Police Brigadier General Andre Dizon ng Manila Police District, maaaring maharap sa administrative case si Jerome dahil sa paglabag sa “professional conduct” at “ethical standards” ng pagiging pulis.
Pinuntahan ng team ng KMJS sina Georgia at Jerome sa inituturong nirerentahang bahay ng pulis para hingan sila ng panig ukol sa insidente pero walang humarap sa kanila.
Hindi rin sila sumasagot sa mga tawag ng team ng KMJS.
Ayon sa Digos City PNP, tinanggal na sa pagkapulis si Jerome at kasalukuyang dinidinig ang administrative case laban sa kaniya.
Hiling ni Bryan kay Jerome, patuloy na lang na mahalin ang kaniyang asawa.
“Huwag niya na lang sasaktan. Once na umiyak ang asawa ko, sigurado, babalik ito sa akin,” saad niya.
Pero kung bumalik, handa pa rin kaya niyang tanggapin ang kaniyang misis?
“Hindi na, hindi ko na siya matatanggap. Kung saan siya masaya doon ako, susuporta ako. Willing akong iparaya siya kasi gusto niya ‘yan,” ayon kay Bryan.–FRJ, GMA Integrated News
0 Comments