Ad Code

Cameroonian na lider umano ng grupong sangkot sa ‘black and white powder scam,’ arestado

Arestado ang Cameroonian na lider umano ng isang grupong sangkot sa “black and white powder scam.”

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Special Task Force ang suspek na si Amet Indara sa isang motel room sa Pasay City matapos maibigay ng complainant ang marked money.

Ang modus ng grupo, pinapaniwala na may isang libong piso sa loob ng mga papel na natatakpan lang ng puting pulbos at para lumitaw ang pera kailangan alisin ang pulbos ng isang kemikal na kailangan bilhin ng biktima.

“Naniwala siya na pera talaga ‘yung mga papel na ‘yon, kinumbinsi siya maging partner, maging kasosyo sa negosyo at pumayag naman ang ating biktima sa pag-aakalang siya ay kikita nang malaki,” ayon kay NBI STF chief Atty. Bernard Dela Cruz.

Nakuha kay Indara ang marked money na ginamit sa operasyon, mga ginupit na papel, at dalawang vial na may lamang pulbos.

Napagalaman na dati nang tinarget ang suspek sa iba pang law enforcement operation ngunit siya ay nakakatakas.

“Yun pong may mga pending o ongoing transaction huwag po kayong magbibigay ng pera agad agad. Magsumbong po kaagad kayo sa NBI dahil ito po ay 100% na scam,” ayon kay Dela Cruz.

Nasa kustodiya na ng NBI ang suspek na sasampahan ng mga reklamong estafa at paglabag sa Cybercrime Prevention Act. — Richa Noriega/VBL, GMA News



Cameroonian na lider umano ng grupong sangkot sa ‘black and white powder scam,’ arestado
Source: Filipino Viral News PH

Post a Comment

0 Comments

Close Menu