Ad Code

Pres. Duterte, naghain ng COC para tumakbong senador sa Eleksyon 2022

Kakandidatong senador sa Eleksyon 2022 si Pangulong Rodrigo Duterte matapos na maghain ng kaniyang certificate of candidacy (COC) nitong Lunes.

Ayon kay PDP-Laban secretary-general Melvin Matibag, kandidatong senador si Duterte sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), bilang kapalit ng isang Mona Liza Visorde.

Sinabi ni Matibag na kakandidato si Duterte sa PDDS para maiwasan ang anumang problemang legal sa partido nitong PDP-Laban.

Mayroong nakabinbing petisyon sa Commission on Elections kung kaninong paksiyon ng PDP-Laban ang kikilalanin–ang grupo ba nina Senador Koko Pimental at Manny Pacquiao, o grupo ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Sa partido rin ng PDDS naghain ng kaniyang kandidatura si Sen. Bong Go, bilang aspiranteng pangulo sa May 2022 elections. Ginawa ito ng senador matapos iurong ang kaniyang COC bilang bise presidente ng PDP-Laban.

Una rito, sinabi ni Go sa report ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB, na maghahain ng COC si Duterte sa pamamagitan ng kinatawan.

Taliwas ito sa mga naunang espekulasyon na tatakbong bise presidente si Duterte, at posibleng makabanggaan ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte, na kandidato rin sa nabanggit na posisyon sa ilalim ng Lakas-CMD.

Sa hiwalay na text message sa GMA News Online, sinabi ni Go na sa pagka-senador kumandidato si Pres. Duterte para maiwasan ang sigalot sa “first family.”

“Kung ako lang tatanungin, ayaw ko din na [vice president] ang i-file niya. Ayaw ko magkasakitan pa. Tama na ako na lang ang nasaktan. Mataas respeto ko kay pangulo at sa kanyang pamilya,” ayon kay Go. — FRJ, GMA News



Pres. Duterte, naghain ng COC para tumakbong senador sa Eleksyon 2022
Source: Filipino Viral News PH

Post a Comment

0 Comments

Close Menu