
Hinoldap ng security guard ang isang botika sa kanto ng Banawe Street at E. Rodriguez Sr. Avenue sa Quezon City nitong Martes ng umaga, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).
Sa ulat ni Allan Gatus sa Dobol B TV, kinilala ni QCPD director Police Brigadier General Nicolas Torre III ang suspek na si Eric Mercado na panggabing bantay umano sa botika.
“Mga 7 o’clock kaninang umaga naka-receive tayo ng report na nilooban itong [botika] at ang holdaper supposedly ay ikinulong ang dalawang empleyado na magbubukas ng branch na ito,” sabi ni Torres.
Dagdag pa ni Torres, pinutol ng suspek ang suplay ng kuryente sa botika at inabangan ang pagdating ng dalawang empleyado.
Tinangay ng suspek — na isang buwan pa lang daw na nagtatrabaho sa botika — ang hindi pa natutukoy na halaga ng pera, ayon sa ulat.
Sa simula ng kaniyang shift, nagpaalam daw ang suspek na umuwi nang maaga dahil namatay daw ang kaniyang asawa, pero sinabihan daw siya na hintayin na lamang ang kaniyang karelyebo.
Ayon sa QCPD public information office, patuloy ang hot pursuit operation laban sa suspek. May nilabas na ring litrato nito. —Joviland Rita/KBK, GMA Integrated News
0 Comments