
Viral at hinangaan ng netizens ang isang Batangueña matapos siyang makaipon ng halos P40,000 mula sa itinabing mga P50 bills. Paano nga ba niya ito nagawa sa pamamagitan tinatawag niyang “Invisible Fifty Ipon Challenge.”
Sa nakaraang episode ng “Good News,” sinabing nakapag-ipon si Beablanca Macuja ng P39,250 na nagsimula lang dahil sa panghihinayang na gastusin ang mga bago at malulutong na mga P50 na kaniyang natanggap.
“Hindi ko naman talaga siya pinagplanuhan na mag-iipon talaga. Kusang dumating lang po kasi noong January 2022 may natira po sa akin na four pieces na P50 na malulutong. From there po nanghinayang akong gastusin siya,” sabi ni Macuja.
Mula noon, diretso na sa ipon ang mga nakukuha niyang P50.
“Para sa akin po, ‘yung P50 ay naging invisible lang kasi kada may mare-receive po ako, may mahahawakan po ako, hindi ko na po siya kino-consider as pera, kumbaga kino-consider ko po siya as ipon agad,” ani Macuja.
Hindi niya rin pinilit ang sarili na maglagay ng P50 kada araw sa shoebox. Pero may pagkakataon naman na natutukso rin siyang hindi maghulog ng P50 kapag wala siyang barya na pambili ng pagkain.
Pero dahil sa kaniyang sigasig, itinuloy pa rin niya ang challenge. Ito rin umano ang unang pagkakataon na makapag-ipon siya ng buong taon. Hindi raw katulad noon na nakikiuso lang siya.
Ang naipong pera, gagamitin daw niya para makabili ng mga baboy para sa kaniyang negosyo.
“Desisyon. Diskarte at determinasyon,” pagbabahagi ni Macuja ng kaniyang sikreto sa pagkasa sa Invisible Fifty Ipon Challenge.
“Sa pagpasok ng taon mag-decide ka na kung ano ba ‘yung plano mo sa buong taon, kung ano ang iipunin mo. ‘Yung diskarte, paano mo gagawin. Kung gusto mo talaga, diskartehan mo,” sabi ni Macuja.
“Kapag determinado kang gawin ‘yun, madali na sa’yo eh, basta may focus ka,” dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News
0 Comments