
Arestado ang isang tricycle driver sa Novaliches, Quezon City matapos umanong halayin ang pasahero niyang menor de edad, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Natunton ang 51-anyos na suspek na si Edwin Lau matapos makita sa CCTV ang body number ng tricycle niya nang dalhin niya ang 17-anyos na biktima sa sementeryo para halayin.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo, hepe ng Novaliches Police Station, sa madilim at madamong bahagi ng sementeryo ginawa ng suspek ang krimen.
Batay sa salaysay ng biktima sa mga pulis, limang beses siyang sinuntok ng suspek, dahilan para siya ay manghina.
Nang makauwi ang biktima ay agad siyang nagsumbong sa mga magulang, na agad ding nag-report sa pulisya.
Mabilis na nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis ng Quezon City Police District Station 4 at dito na nila nakita ang body number ng tricycle sa CCTV.
Sa presinto, inamin ni Lau sa nagawa niyang krimen.
“Sa totoo lang po, nagdilim ang paningin ko noong araw na iyon kaya po nagawa ko ‘yun sa babae na naging pasahero ko,” sabi ni Lau.
“Humihingi po ako ng tawad sa kasalanang nagawa ko,” dagdag pa niya.
Nasampahan na si Lau ng reklamong paglabag sa Anti-Rape Law. —KBK, GMA Integrated News
0 Comments